Martes, Enero 15, 2013

Maria Maki Macario



Hindi kami kasing yaman ni Bill Gates pero pinalaki ako nina mama't papa sa buhay na sagana. Nasanay ako na kapag sinabi ko nariyan kaagad. Nasanay ako na kapag sinabi ko nabibili kaagad. Nasanay ako na kung anong gusto ko nakukuha ko kaagad. Kaya kong makipagkompetensya sa mga turista sa pamamasyal. Kaya ko ring bumili ng iba-ibang gadget tuwing may uso. Hindi naman milyon-milyon ang kita nina mama't  papa buwan-buwan sa isandaang ektaryang niyugan namin at paglalumber, kundi sobra-sobra lang sa pangangailangan namin. Kaya naman lumaki ako sa buhay na madali at nasanay ako sa ganitong buhay. Nasanay ako na pinagtatabuyan ang mga pulubi,mga batang kalye, at mga taong grasang lumalapit sa akin. Kapag hindi sila umalis at patuloy sa pangungulit, dinuduruan ko sila. Ambabaho kasi nila, mga madudungis na, amoy putok pa. Nasanay akong binabayaran na lang ang lahat ng bagay mapagtakpan lang ang kasalanang ginawa ko, tulad ng pagsasagut-sagot ko sa principal namin, pagdugo ng ilong ng kaklase kong sinadya kong patirin, pagkapilay ng isa kong kaklase dahil sinadya ko siyang itulak sa imburnal ng paaralan, at ang paulit-ulit kong pandudura at panlalait-lait sa mga kaklase kong mukhang mga taga-bundok, mga ignorante, at mga engot. Nasanay kasi ako na kapag ayaw ko sa isang tao pwedeng-pwede ko siyang sipain,tadyakan, itulak, o kung anu-ano pa at walang makakapigil sa'kin. Naiinis kasi ako sa mga taong palagay ko ay mahihina, walang magagawa, at pwedeng api-apihin lang.
Dahil nakukuha ko ang lahat pati mga kaibigan nasisilaw ko. Pero namimili ako ng kaibigan. Gusto ko yung ka-level ko. Ayoko sa mga ambisyosang social climber. Pero nagkaroon din naman ako ng isang kaibigang social climber-- at aba! tinatalbugan pa ako huh. Pero hindi rin siya nagtagal sa buhay ko. Naamoy ko kasi ang baho niya. Kadiri niya.
Hindi rin ako mahilig sa salitang "po" at "opo" at kailanman ay hindi ko ito ginagamit. Bakit pa? And'yan naman ang "shit!", "fuck you!", "asshole!", at "shit!" astig pa.
Pero isang araw, nagising ako sa isang estrangherong mundo. Kung panaginip 'to gusto ko nang magising. Pero hindi eh, totoo 'to at hindi ito isang panaginip na kapag nasagi ka ng katabi mo ay magigising ka na.
Napagbintangang mamamatay tao si papa ng sarili niya mismong kaibigan. Napagbintangan siyang pumatay sa anak nitong lalaki na bente anyos. Umabot sa korte ang isyu at kung makailang hearing ang nangyari. Umabot nang isang taon ang kaso at halos lahat ng pinagkakakitaan namin ay biglang naglaho.
Pero sa huli, nakulong pa rin si papa. Mas mapera kasi sila at maimpluwensya pa kaya naipalabas nila na guilty daw si papa.
Masama ang loob ko noong araw na yun. Masakit kasi sa pakiramdam yung pinapanood ang nakaposas kong ama at kinakaladkad patungo sa sasakyan na maghahatid sa kanya sa selda. Pero hindi ko naman nakita yun nang aktwal, sinabi lang sa'kin ni mama, bawal kasi ako dun sa bulwagan.
Nang minsang mapadaan ako sa bulwagan, nakita ko ang nakatayong babaeng estatwa na nakapiring at may hawak ng timbangan ng hustisya. Noon ko naisip na kaya pala s'ya nakapiring ay dahil bulag s'ya. Hindi pantay ang batas. Hindi totoo na humahatol sila ayon sa tama. Bulag ang batas sa katotohanan. Basta't maimpluwensya ka at mapera, sa'yo ang hustisya at ikaw ang sasantuhin nila. Bago ako umalis doon pumulot muna ako ng maliit na bato at binato ang estatwa.
Halos walang naiwan sa'min nang pumasok si papa sa loob ng kulungan. Pati bahay inilit pa ng bangko na inutangan namin noong kasagsagan ng kaso.
Ibinenta ni mama lahat ng gadget namin na natira at tumilapon kami sa pinaka-ayaw kong lugar, ang iskwater. Ayoko dito dahil dito naipon ang apat na polusyon; polusyon sa tubig, polusyon sa hangin, polusyon sa lupa, at polusyon sa ingay. Narito ang nangangamoy at nagkukulay itim na tubig sa mga kanal. Narito ang mga tambay na mahilig manigarilyo sa gitna ng daanan at madalas binubugahan ka pa ng usok. Narito rin ang mga taong walang pakialam sa kalinisan sa paligid dahil basta-basta nalang itinatapon ang mga basura basta maitapon, tapos na! Narito rin ang mga bangayan ng mga magkakapitbahay at pakontesan ng tunog ng radyo. Kapag narinig ng isa na nagpatugtog ang kapitbahay makikipagkompetensya rin s'ya ng palakasan ng tugtog hanggang sa magkahawahan, nagpatugtog ang lahat ng may radyo.
Dito sa iskwater na binagsakan namin hindi ka basta-basta magtatayo lang ng bahay kung saan bakante. Binibili ang lupa dito. Aba, kakaibang iskwater 'to.
Dito, dampa lang ang bahay namin na may lapad na walong talampakan at haba na s'yam na talampakan. Lumang yero na binili sa junkshop ang bubong at ang dingding naman namin ay yari sa kalahating yero at kalahating lawanit na galing din sa junkshop. Pagpasok mo, makikita mo sa bandang kaliwa ang maliit na papag na yari sa kawayan kung saan naroon ang isang maliit na kulay itim na balde at "caltex" na tabo. Katabi ng balde ay ang pinaghuhugasan namin ng plato at katabi naman nito ay dalawang pirasong plastik na plato, isang baso, isang tasa, dalawang kutsara, at isang maliit na kutsilyo na nakuha ko sa bunot-bunot. Mabuti naman at natsambahan ko ang kutsilyo, kaya ngayon may kutsilyo na kami. Dati kasi nanghihiram lang kami sa kapitbahay namin. Sa bandang kanan naman namin ay ang kalan at katabi nito ang maliit na supot ng uling. Sa taas naman ng papag ay ang sabitan ng kaldero kung saan namin isinasabit ang maliit naming kaldero. Kalahating dipa mula sa papag ay ang maliit na parisukat na mesa na yari sa plywood na walang mantel at isang maliit na silya, ang nag-iisa naming silya. Sa bandang kanan ay ang isa pang papag na tinutulugan namin. Yari ito sa lumang kahoy at nilalatagan lang namin ng banig tuwing gabi. Dalawa ang unan namin pero nag-iisa lang ang kumot kaya nagsasalo kami ni mama sa iisang kumot. Katabi ng papag na tinutulugan namin ay ang sako ng bigas kung saan hindi bigas ang laman kundi mga damit namin. Wala na kasi kamang kakayanang magpagawa pa ng kabinet kahit na yung pinakapangit nalang.
Kasabay rin ng pagkakatapon namin dito ay ang pagkatapon ko mula sa pribadong paaralan patungo sa pampublikong paaralan.
Simula nang tumuntong kami sa lugar na'to paulit-ulit na sinasabi sa'kin ni mama na kailangan ko nang kalimutan ang naging buhay namin noon. Pero sa araw-araw ko na pakikibaka sa bago kong mundo paulit-ulit kong binabalik-balikan ang nakaraan ko. At ang mga bagay na akala ko ay hindi ko kailanman mararanasan ay dito ko naranasan.
"ma, alis na'ko," sabi ko kay mama na naghuhugas ng pinagkanan namin kagabi. Wala kasi kaming sabon kagabi kaya nangutang muna si mama kay Aling Kuring bruha. Buti nagpautang. Sabon nga lang ang pinautang sa'min. Hindi n'ya kami pinautang ng sardinas tsaka bigas baka raw hindi namin mabayaran. Alam n'ya kasing kapag umabot na sa singkwenta pesos ang utang namin, hirap na kaming bayaran. Puro nalang daw labada ang binabayad ni mama, nauubos na raw ang labahan n'ya. Kaya ngayon, papasok na naman ako na hindi kumakain.
"Sige. Ingat," sagot ni mama
Hindi iyon ang inaasahan kong sagot kaya sumalampak ako sa nag-iisa naming silya. Dati rati kapag pupunta na'ko ng paaralan at sinasabi ko na ang "ma, alis na'ko", ang sinasagot ni mama ay "o, heto baon mo",ngayon? ingat na lang.
"Pamasahe ko?"
"Wala akong pera dito. Bukas pa magpapalaba si Kuring. Lakarin mo na lang tutal malapit lang naman ang eskwelahan n'yo eh," sabi ni mama habang nagbabanlaw ng plato na natapos na n'yang sabunan.
Halos mangiyak-ngiyak ako sa sinabi ni mama. Dati rati nalalayuan na s'ya sa kalahating kilometro kaya tinatraysikel pa n'ya o di kaya ay ginagamitan ng kotse. Ngayon, isang kilometro nalalapitan na s'ya.
Napasulyap ako sa maliit naming orasan na nakasabit sa likod ng pinto namin. Alas dose 'medya na. Alauna ang klase namin. Kung maglalakad ako, siguradong maleleyt ako.
"Maleleyt na'ko ma. Tsaka isa pa, ang init," katwiran ko.
"Wala kang mapipiga sa'kin Maki. Alam mo naman ang kalagayan natin di ba? Hindi na nga tayo nakakadalaw sa papa mo dahil wala tayong pantustos sa bwisit na mataas na pamasahe sa pampublikong sasakyan na yan na kapag tumaas ang gasolina ay tataas din pero kapag bumaba ang gasolina ay hindi naman nagbababa ng pasahe! Wag mong pairalin ang kaartehan mo kung gusto mo pang mabuhay!" pasigaw n'yang sabi habang pinupunasan ang basang kamay ng laylayan ng sarili n'yang damit pagkatapos ay nilayasan ako.
Dati, ayaw n'yang madumihan kahit pintok ang damit n'ya. Ngayon, ginagawa na n'yang basahan. Dati rin, wala s'yang pakialam tumaas o bumaba man ang gasolina. Ngayon, sinisisi na n'ya ang pagtaas ng gasolina sa kakapusan namin ng pera.
Lumabas ako ng bahay na mabigat ang loob. Maglalakad na naman ako ngayon.
Mangiyak-ngiyak ako habang naglalakad. Ngayon ko naintindihan ang pakiramdam ng batang nakikita ko noon na naglalakad sa ilalim ng masakit na init na araw. Dati, pinagtatawanan ko ang mga batang nasusunog na ang mga balat sa kalalakad papuntang paaralan makapag-aral lang. Pinagkakatuwaan ko silang dila-dilaan habang nakasakay ako sa kotse namin. "Mahirap kasi!" ang parati kong sinasabi at minsan binabato ko pa sila ng balat ng kendi. Ngayon, ako na ang pinagtitinginan at pinagtatawanan ng mga kaeskwela ko na nakasakay ng dyip na kung makatitig at makangisi ay pakiramdam nakasakay sila sa isang eleganteng karwahe.
"You are too early for the second period Macario. Pumasok ka pa," sabi ng titser ko pagpasok na pagpasok ko.
"Sorry Ma'am, we can't afford the fair of even the worst jeepney," tugon ko tapos ay tuloy-tuloy sa pumasok at naupo. Tumaas ang kilay ng titser ko. Nawirduhan siguro s'ya sa sagot ko o baka naman di n'ya naintindihan ang englis ko. Madami pa s'yang english speaking na sinabi at alam ko na patungkol iyon sa'kin. Sinabi n'ya na late na nga ako, ako pa ang walang modo. Sinabi rin n'ya na hindi na n'ya papapasukin pa sa susunod ang mga "early comers for the second period". Idinagdag n'ya rin na hindi n'ya kasalanan kung masyado kaming tamad kaya naghihirap. Gusto ko s'yang sagutin nang mga araw na yun. Gusto kong buhatin ang silya ko at ibato sa kanya. Kung makapagsalita s'ya parang magkapitbahay lang kami. Wala s'yang alam! Pero mas pinili ko ang hindi umimik. Kung dati ay nagwawala ako sa mga guro tuwing napagsasabihan o nababato ng masasakit na salita, ngayon kailangan kong magpakahinahon kung ayaw kong mabagsak. Alam ko namang sa grado sila tumitira kapag pinatulan ko sila.
5:30 ng hapon ang uwian namin tulad kanina, maglalakad na naman ako pauwi. Pagdating ng bahay agad akong nagtungo sa sabitan ng kaldero. Pagbukas ko, tutong parin ang nasa loob nito.
"Ma, walang kanin?" paghihimutok ko.
"Wala," malamig n'yang sagot habang tinutupi ang mga damit namin na nilabhan n'ya kanina.
Gusto kong umiyak sa isinagot n'ya. "Kanina hindi ako kumain tapos ngayon hindi parin ako kakain,"
"Pagt'yagaan mo muna yang tutong," sagot ni mama.
"Wala naman akong mapapala sa matigas na tutong na'to!" napataas ang boses ko.
Nahinto si mama sa pagtutupi. "Anong gusto mo Maki magpakaputa ako para may ipalamon sa'yo?!" pasigaw n'yang sabi pagkatapos ay pabaluktot na naupo sa papag at humagulhol. Sinabi na naman n'ya ang pinaka-paborito n'yang linya; ang linyang parati n'yang sinasabi tuwing nanghihingi ako at wala s'yang maibigay.
Naupo ako sa nag-iisang silya namin, kalong-kalong ang maliit namin kaldero at sinusubo ang matigas na tutong habang tahimik na umiiyak. Maya-maya ay ipinatong ko ang kaldero sa mesa at isinabit ang back pack ko sa likod ng pintuan. Nagsumiksik ako sa gilid ng pintuan at doon umiyak. Pero ang totoo, umiiyak ako sa pag-asang malilimutan ko ang hapdi ng kumukulong t'yan. Ngayon ako nanghinayang sa mga pagkain na sa halip na ibigay ay itinatapon ko lang kapag nagsawa na. Mas gusto ko kasi iyong itapon kesa sa ibigay. Ngayon ko naramdam ang pakiramdam ng gustong kumain pero walang makain.
Pinahid ko ang sariling luha pagkatapos ng labinlimang minutong pag-iyak pagkatapos ay lumabas. Bahala na kung saan ako makarating. Bahala na.
Sa gitna ng madilim na kalye na naiilawan lang ng mga nakahilirang posteng may bombilya ay nahinto ako. Naaninag ko ang isang aninong kinakalkal ang basurahang nasa gilid ng poste. Lumapit ako.
"Len?"
Nahinto ang nangangalkal para lumingon.
"Ate Mak?" nakangiti ito. "Halika tulungan mo'kong mangalkal. Wala kasing pagkain sa bahay kaya dito na'ko dumiretso," nagpatuloy s'ya sa pangangalkal. Si Lenlen ang pang-anim sa labing-isang na anak ni Aleng Lila na kapitbahay namin. Ang lima ay maagang nag-asawa dahil akala ito ang solusyon sa kahirapan. Ang anim, simula kay Lenlen ay isang taon lang ang agwat. Walong taon lang si Lenlen at ang sumunod sa kanya ay si noknok na pitong taon, ang sumunod ay si wengweng na anim naman, sunod ay ang limang taong gulang na si ar-ar, sunod naman ay si al-al na lima, at si melot na tatlo, at ngayon nga ay buntis na naman si Aleng Lila. Ewan ko nga ba kung bakit siya anak nang anak kahit hindi naman nila kayang buhayin ang mga ito dahil umeekstra-ekstra lang sa “construction” si Manong Benny, ang asawa n'ya.
Nangalkal kami ni Lenlen sa mga basurahan. Anim na basurahan na ang nakalkal namin pero wala parin kaming nakalkal na pagkain kahit buto nalang ng manok na pwedeng pagt'yagaang sipsipin. Sa ikapitong basurahan nakatsamba kami. May nakaplastik na kanin at manok na hindi pa naman panis. Hinati namin ni Lenlen ang laman at mabilis na sinunggaban.
"Uy, anak tingnan mo ang mga patay gutom. Maswerte ka at nakakakain ka ng tatlong beses sa isang araw at hindi mo na kailangan pang mangalkal sa basurahan tulad ng mga patay gutom na yan," sabi ng Aleng dumaan sa dalagita n'yang anak. Hindi ko alam kung sinasadya ba n'yang lakasan ang boses para ipadinig sa amin ang sinabi n'ya o para ipadinig sa iba pang mga taong nagdaraan na hindi sila patay-gutom tulad namin. Hindi pala masarap ang malait. Kahit simple lang naman yung lait na yun kumpara dun sa mga panlalait ko noon, masakit din pala.
Namaluktot ako sa gilid ng basurahan pagkatapos maubos ang pagkaing kinalkal namin. Gusto kong umiyak pero naisip ko na hindi pala ako iyakin kaya pinigilan ko ang mga luha ko kahit masakit sa lalamunan.
Ngayon, naintindihan ko ang damdamin at buhay ng mg batang kalye, palaboy, at taong grasa na dati ay  dinudura-duraan ko lang at sinisigaw-sigawan dahil mababaho at mga amoy putok. Ngayon ko sila naintindihan, ngayong isa na ako sa kanila. Hindi ko alam kung bakit kailangan ko pang maging katulad nila para lubos kong maunawaan ang damdamin nila. Siguro ay dahil pinakitid ng luho ang isipan ko noon.
Ngayon ko naisip na sana ang perang ipinambibili ko ng mga mamahaling laruan at damit, dapat sana ay inilaan ko para sa kanila. Wala naman kasing kwenta ang lahat ng mga iyon kung iisiping mabuti.
Napahinto ako sa pag-iisip nang may humintong magarang sasakyan. Wow Ferari, magara nga. Naalala ko ang sasakyan namin noon, Ferari din yun. Ako ang nagsuhest'yon nun kay papa na Ferari ang bilhin n'ya tutal sporty naman s'ya at mahilig din sa mga branded tulad ko. Like father, like daughter kasi.
Maya-maya ay naalala ko ang mga kaklase ko ngayon sa public school. Karamihan sa kanila die-hard fan ng branded na mga bagay. Kaya naman araw-araw nagpapayabangan sila ng kan'ya-kan'yang mga bag na mga branded. Tiningnan ko ang bag ko at binasa ko ang tatak nito: DEPEd. DEPEd ang tatak ng bag ko at hindi Chloe,Gucci, Louis Vuitton, Lauren, Lacoste, Dolce & Gabbana, o kahit na cose man lang na pinakamura. Galing kasi ito sa DEPEd, libre nila para sa mga estudyante ng mga pampublikong paaralan. Hindi ko nga alam kung bakit ang hihilig nilang bumili ng Chloe,Gucci, Louis Vuitton, Lauren, Dolce & Gabbana, mga peke naman.
Nahinto ako sa pag-iisip nang bumaba ang salamin sa driver's seat at dumungaw ang isang mama. Nagtapon lang pala ito ng upos na sigarilyo sa basurahan pagkatapos ay nandura pa bago pinaharurot ang sasakyan.
Nasapo ko ang noo nang maramdamang may tumulong likido mula dito. Naduraan pala ako ng mama. Hindi n'ya siguro kami nakita ni Lenlen sa gilid ng basurahan. Ang gara sana ng kotse n'ya, ambaho naman ng laway n'ya.
"Tara na Len," yaya ko sa kanya pagkatapos pahirin ang laway ng mamang nandura sa'kin.
Tumayo na s'ya at sumunod sa'kin. Nasa unahan ang bahay ni Lenlen kaya mas nauna s'ya kesa sa'kin.
Pagdating ko ng bahay nadaanan ko sa labas ang nakasampay na basang kumot. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Tulog na si mama. Nakapamaluktot s'ya dahil ang nag-iisa naming kumot ay basa pa. Sinulyapan ko ang orasan. Alas onse na pala. Nakatulog siguro s'ya sa paghihintay sa'kin. Tatabi na sana ako sa kanya para matulog na rin nang mapansin ko sa ibabaw ng maliit naming mesa ang isang platong kanin na may nakapatong na isang pirasong inihaw na tuyo. Lumapit ako sa mesa. Pinaglipat-lipat ko ang tingin sa isang platong kanin at kay mama. Namula ang mga mata ko. Hindi ko alam kung saan s'ya kumuha ng tuyo at ipinansaing na bigas. Siguro nakiusap na naman s'ya kay Aling Kuring. Dati, kami ang inuutangan. Ngayon, kami na ang halos lumuhod-luhod para pautangin.
Tinakpan ko ang kanin. Hindi ko na ito kakainin tutal busog na naman ako. Bukas nalang para kay mama.
Kinabukasan maaga akong gumising. Sabado ngayon kaya mambabahay-bahay na naman ako sa isang "village" malapit dito sa iskwater na tinitirhan namin, kung sinong magpapatapon ng basura. Sana naman hindi pa dumaan ang truck na nangungulekta ng mga basura.
"Ate magpapatapon po kayo ng basura??" sigaw ko sa isang magarang bahay.
"Oo!" sagot ng may-ari. Lumuwag ang loob ko sa sagot n'ya. Pagbukas nito ng gate, dala-dala na nito ang dalawang sakong basura at may nakaplastik pa na mas masangsang pa ang amoy kesa sa dalawang nakasakong basura. Matapos n'yang iabot sa'kin ang mga basurang ipapatapon ay inabot na rin n'ya ang dalawang piso, bayad para sa ipatatapon n'yang basura pagkatapos ay pumasok na at isinara ang gate. Hindi na ako nagreklamo pa sa isinuhol n'ya. Sana'y na naman ako sa piso hanggang tatlong piso na ibinabayad sa'kin para magpatapon ng basura kahit sako-sako pa.  Balang araw, malalaman din nila ang pakiradam ng pumpasan-pasan ng dalawang sakong basura at may bitbit pang nakaplastik, mabuhay lang.
Pagdating ko ng pinagtatapunan ng basura, hinalughog ko ang nakasakong basura. Kinuha ko ang mga plastik at inilagay sa sako na pinagsidlan nito kanina. Namasura pa ako ng dagdag na basura sa tambakan. Marami ring namamasura dito. May matatanda rin pero karamihan ay mga batang kasing edad ni Lenlen. Ako lang yata ang hayskul dito na namamasura. Karamihan kasi sa mga tinedyer kahit tagadoon lang sa amin, mga maaarte at mahihilig sa salitang "yuck" kahit karamihan sa kanila hindi naman lumaki sa magarbong buhay. Isang dakot na nga lang ng basura niya-yuck pa. Oo, aaminin ko, dati rati yuck ako nang yuck. Kapag may naamoy akong "tuyo", yuck kaagad ang sinasabi ko. Hindi kasi ako kumakain ng tuyo noon. Kapag mabaho ang amoy ng bond paper na binili ko, yuck. Kapag amoy malansa ang uniporme ng kaklase ko dahil hindi masyadong natuyo, yuck. Kapag natapon ang shake ng kaklse ko, yuck. Lahat ng pinandidirihan ko, yuck. Pero noon yun. Ngayon sa bago kong mundo hindi uso ang diri-diri kaya hindi rin uso ang salitang "yuck". Mga pilingera nalang ang nagsasabi ng ganyan dito sa amin, yung mga taong pakiramdam mayaman, wala naman pala.
"Akin yan! Ako ang nauna kaya akin yan!"
Nahinto ako nang marinig ang boses ni Lenlen.
"Ako ang unang nakakita kaya akin 'to!" sigaw ng batang lalaki na kabangayan ni Lenlen.
Lumapit ako sa nag-aaway. Isang expired na luncheon meat pala ang pinag-aawayan nila.
"Takbo na poy. Sa'yo na yan," sabi ko sa batang lalaki pagkatapos ay patakbo na itong lumayo sa amin. Humagolhol si Lenlen sa ginawa ko. Akala n'ya ipagtatanggol ko s'ya kay Pepoy pero ako pa pala ang nagtanggol kay Pepoy.
"Ako ang nauna dun Ate Maki! Ba't binigay mo sa kanya!" umiiyak n'yang sigaw sa'kin. "May sakit si nanay, wala kaming makain kaya dapat para yun sa kanya!"
"Eh expired na naman yun eh," sagot ko.
"Kahit na! Sana'y na naman ang mga bituka namin sa mga expired na de-lata! Kapag namatay si nanay, ikaw ang sisihin namin!"
Bumuntong-hininga ako. Nakaligtaan ko na hindi pala uso dito sa amin ang expired-expired. Para sa amin lahat ng pagkain ay walang expiration date.
"Di ba nakikipagsapakan ka naman kapag inaagaw sa'yo yung mga nakikita mong expired na de-lata dito? Bakit si pepoy hindi mo sinapak para sa'kin? Di'ba ako naman ang nagturo sa'yo na mamasura at kumain ng mga expired na de-lata kasi wala tayong pambili nang ganun sa grocery store!  Akala ko ba magkaibigan tayo Ate Maki?! Makasarili ka! Gusto mo ikaw lang! Gusto mo sa'yo lang! Purki't ako ang nakakita at hindi ikaw ibinigay mo na sa iba!" sigaw n'ya.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko alam kung bakit ako natamaan sa isinumbat n'ya. Ibinigay ko yun kay Pepoy dahil naawa ako sa payatot n'yang katawan, payatot n'yang kapatid, payatot n'yang nanay, at payatot n'yang tatay. Malapit lang ang bahay nila sa amin kaya alam ko na kaya s'ya namamasura ay para maghanap ng mga expired na de-lata para may maiulam na masarap ang  payatot n'yang pamilya.
"Balato mo nalang yun sa kanya tutal mas payatot naman s'ya kesa sa'yo eh. Tulungan mo nalang akong maghanap ng ibang expired na de-lata. Siguro naman hindi lang yun nag-iisang itinapon dito, may mga kasama pa yun," sabi ko nang makabawi sabay bungkal-bungkal. Sana naman may nakatago pang expired na de-lata dito, dasal ko.
Maghapon kaming namasura ni Lenlen at sa kabutihang palad nakakita rin ako ng tatlong expired na de-lata na nagpatahan sa kanya at nagpabati sa aming dalawa. Ang isa ay sardinas at ang dalawa ay corned beef. Ibinigay ko ang dalawang corned beef sa kanya, sa akin na ang sardinas.
Pagkatapos ng maghapong pangangalakal ay dumiretso na kami sa junkshop. Nakatrenta ako sa kalakal ko, nakabente naman si Lenlen. Tamang-tama may pamasahe na'ko sa lunes.
Umuwi kaming dalawa ni Lenlen na baon ang mga expired na de-lata para sa pamilya namin.
Pagdating ko ng bahay alas-sais na ng gabi. Pagpasok ko, nakita kong nakaluhod si mama at umuusal ng mahinang panalangin. Nakaramdam ako ng kirot sa dibdib. Tahimik akong nagkutsara ng kanin sa dalawang plato. Wala kasi kaming sandok kaya kutsara ang ginagamit naming panandok. Pagkatapos ay binuksan ko ng kutsilyo ang sardinas.
"Ma, kain na tayo," sabi ko nang matapos s'yang magdasal
Tahimik na tumalima si mama at pinagsaluhan namin ang expired na sardinas. Nakaupo s'ya, ako nakatayo. Ganito ngayon sa amin, hangga't nag-iisa ang silya, kailangan magtiis ng mga paa.
Hindi ko alam kung hanggang kelan kami magtatagal sa iskwater na ito. Siguro dito na kami habang buhay. Siguro dito na rin kami mamatay. Kinusot ko ang kaliwang mata ko para huwag tumulo ang luhang gustong pumatak. Kung nandito lang sana si papa.
"Salutatorian, Maki Macario."
Nagulat ako nang tawagin ang pangalan ko. Inihinto ko muna ang pag-iisip pagkatapos ay tumayo na. Luminga-linga muna bago umakyat ng entablado. Wala si mama. Hindi s'ya dumating.
Mag-isa kong inabot ang diploma ko. Mag-isa ko ring inabot ang medalya ko na isinabit ko mismo sa sarili ko. Hindi ko ramdam ang parangal na natanggap ko dahil ako lang mismo ang nagsasabit nito sa sarili ko. Maya-maya ay sumenyas ang photographer kung magpapakuha raw ng larawan. Umiling ako. Wala naman kasi kaming pambayad.
Sa lahat ng grumadweyt, ako lang ang walang kasamang magulang. Sabi ni mama pupuntahan n'ya ako pero hindi s'ya dumating.
Pagkatapos kong hubarin at isuli sa adviser ko ang toga ko ay umuwi na ako.
"Yung inutang mong singkwenta kahapon para sa renta ng toga ni Maki ibabawas ko na sa labada mo ngayon," nadinig kong sabi ni Aling Kuring nang mapadaan ako sa tapat ng bahay nila. Sumilip ako sa may gate. Nakita ko si nanay sa loob, naglalaba. Maraming s'yang labahan, dalawang sako pero isang batya palang ang natatapos n'ya. Naalala ko na ang inutang palang singkwenta ni mama kahapon para sa renta ng toga ko ay babayaran n'ya raw ng labada kinabukasan.
"Agahan mo pa bukas ha!" ani Aling kuring kahapon na para bang tatakbuhan ni mama ang singkwenta pesos na utang.
Nawala siguro sa isip n'ya ang halaga ng araw na ito dahil sa sangkaterbang labada. Pero hindi ako nagagalit o naiinis sa kanya kahit hindi man n'ya ako sinipot kanina. Hindi ako nakaramdam ng hinanakit sa kanya. Ang totoo, napakaliit lang naman na bagay ang hindi n'ya pagpunta sa graduation ko, kaya bakit ako magagalit?
Gusto kong takbuhin si mama at isabit sa kanya ang medal ko pero inunahan ako ng mga luhang hindi ko napigilan.
Nang sumunod na araw, maaga akong gumising para mambahay-bahay at mangalakal ulit. Mag-iipon ako para pangkolehiyo hindi pa kasi sigurado kung makakapasa ako dun sa entrance exam at scholarship ng mga eskwelahang inaplayan ko. Kahit alam kong malabo na makapag-ipon ako sa pangangalakal lang, di bale na. Siguro mag-aaplay na lang ako sa susunod ng saleslady sa mall o di kaya ay cashier sa isang grocery store para pandagdag sa ipon. Yun eh kung matatanggap. Pero sana naman palarin akong makapasa kahit isa man lang sa mga inaplayan kong eskwelahan. Sana naman. Sana lang.
Bandang alas tres na ng hapon nang umuwi ako. Dumaan muna ako kina Aling Kuring at ibinili ng isang kilong bigas ang kinita kong kwarenta pesos sa pangangalakal.
"May utang pa kayong noodles dito," ani Aling Kuring.
"Bukas ko nalang po babayaran, mangangalakal na naman po ako bukas eh," sabi ko.
"Siguraduhin mo," wika ni Aling kuring na para bang maluluge s'ya sa isang pirasong noodles na inutang namin.
"Opo," sabi ko sabay abot ng binili kong bigas.
Hindi ko alam kung hanggang kelan kami magkakaroon ng utang kay Aleng Kuring bruhilda. Kung nandito lang sana si papa.
Pagdating ko ng bahay, naabutan kong kinukumbulsyon si mama. Mainit na maint ang temperatura n'ya. Tumakbo ako papunta kina Aleng Lila para humingi ng tulong. Agad na tumalima ito buntot-buntot si Lenlen at ang lima pa n'yang maliliit na mga anak. Pinahiran n'ya ng basang bimpo si mama sa noo at inutusan n'ya akong humingi ng gamot sa center.
Pagdating ko ng center, ang haba ng pila. Dito sa center kung gusto mong makahingi ng libreng gamot magtiis kang pumila. Kahit naghihingalo na ang nanay mo, ang  patakarang pumila ay patakaran. Gusto kong maiyak sa ipinapatupad nilang batas. Kung may pera lang sana ako na pambili ng gamot hindi na ako magt'yat'yaga pang pumila para sa ipinamumodmod na libreng gamot dito sa center.
Pang apat napu't isa ako. Napasulyap ako sa orasan. Mag-aalaskwatro na pero dalawa palang ang nababawas sa pila.
Mangiyak-ngiyak ako nang mag-alas kwatro medya na. Alas singko ang sara nila at ang mga nakapilang hindi aabutan ay pababalikin nalang bukas.
Tuluyan na akong naiyak nang mag-aalas singko na pero nasa bente nuebe palang ako. Pinagtitinginan na ako ng mga ka-pila ko.
"Ne, napano ka? Ba't ka umiiyak?" napansin ako ng natukang mamigay ng gamot.
"Ate pupwede po bang mauna ako sa pila? Kinukumbulsyon po kasi si mama. Kailangan n'ya po ng gamot. Wala po kaming pambili kaya nakikipila po ako dito," umiiyak kong sabi hindi para magpaawa kundi dahil yun ang totoo.
Binigyan niya ako ng tatlong pirasong gamot na hindi ko na pinagkaabalahang basahin pa.
"Salamat po ate," sabi ko bago tuluyang tumakbo palabas. Binilisan ko ang patakbo. Umuusal ako ng panalangin habang tumatakbo na sana huwag munang N'yang kunin si mama. Kailangan ko pa s'ya. Hindi ko pa kayang mag-isa.
Hindi ko napansin ang nakaharang na bato sa daanan kaya napatid ako. Dumugo ang siko at tuhod ko at tumilapon pa sa kanal ang gamot. Ang tanga ko kasi. Kinapa ko sa ilalim ng kulay itim na tubig ng kanal ang gamot. Kahit nakakasulasok ang amoy, di bale na basta makapa ko lang ang gamot. Sana, wala munang may magtapon ng tubig.
Nakadapa na ako para lang mahanap ang gamot na natapon. Maya-maya ay lumakas ang agos ng kanal. May nagtapon ng tubig mula sa isang lababo. Tuloy-tuloy ito hanggang sa imburnal. Mabuti at naagapan ko ang gamot na malapit na sanang mahulog dito. Okey lang kahit dumugo ang baba ko. Pinahid ko muna ang dugo sa baba ko bago dali-dali tumayo at tumakbo uli.
Lalo kong binilisan ang pagtakbo nang matanaw ko na ang bahay namin. Nang nasa pintuan na ako nakita kong natutulog na si mama na may patong na bimpo sa noo. May balat din ng gamot sa tabi n'ya. Nakaupo si Aling Lila sa silya at kandong-kandong si Melot habang si Lenlen at ang apat pa n'yang mga kapatid ay nakatayo sa likod nito. Napadako ang tingin ko sa taong nakaupo sa papag katabi ni mama. Nalingon ang taong yun sa pintuan. Agad akong nagkubli sa gilid ng pintuan. Si papa. Nakalaya na s'ya. Napaupo ako sa lupa at impit na umiyak. Hindi ko alam kung matutuwa ako sa pagbalik n'ya o susumbatan s'ya ng mga pinagdaanan namin. Dati kapag nahihirapan kami ang lagi kong sinasabi ay "sana, andito si papa". Pero ngayong nandito na s'ya gusto kong itanong kung "bakit ngayon lang s'ya".
"Mak?"
Tumingala ako. Si papa. Lukot na ang noo n'ya at malaki ang ipinayat n'ya, umitim din s'ya.
"Mak?" garalgal na ang boses niya sa muling pagtawag n'ya ng pangalan ko. Puno ng luhang ayaw pang pumatak ang mga mata n'ya.
Gusto ko s'yang yakapin. Gustong-gusto. Pero pinanghinaan ako ng tuhod. Ngayon ko naramdaman ang hapdi ng natamo kong mga sugat kanina kaya mas pinili ko nalang ang humagulhol.
Noong isang taon pa nakalaya si papa. Hinanap n'ya kami at ngayon lang n'ya nalaman na dito kami tumilapon. Inilabas daw s'ya ng sarili n'ya mismong kaibigan. Yung kaibigan n'yang nambintang mismo sa kan'ya. Humingi ito nang tawad dahil nalaman nitong nagkamali s'ya. Hindi na'ko nagtanong pa ng maraming bakit. Inisip ko nalang na mabait parin ang Nasa Taas.
Nang sumunod na linggo, araw na ng pag-alis namin. Nabayaran na namin ang utang naming noodles kay Aling Kuring kaya pupwede na kaming makaalis. Ibinigay na rin namin kina Lenlen ang mga damit naming nakasako.
Nang medyo malayo na kami nalingon ako uli.  Nakita ko si Lenlen na nakatayo sa tapat ng bahay namin, kumaway siya pero hindi nakangiti. Ngumiti ako at naalala ko na tuwing nagbabagong taon nagpapaputok kami ng pop pop kasama ang walo anim n'yang maliliit na mga kapatid. Pagkatapos naming paputukin ang tatlong maliliit na kahon ng pop-pop, matutulog na kami. Wala naman kasi kaming pagkain na nakahain sa mesa.
Sa limang taon naming pamamalagi dito,marami akong bagay na natutunan at nalaman. Natuto akong makipagsapakan sa mga batang nangangalkal din ng basura sa ngalan ng expired na de-lata. Natutunan ko na ang lansangan ang pangalawa kong tahanan kapag walang makain sa bahay. Natuto akong makipagsabunutan, makipagbangayan, at makipagbalian ng katawan sa mga batang nagnanakaw ng mga kalakal ko. Nalaman ko na kaya ko palang lakarin ang isang kilometrong papunta at pabalik ng paaralan. Nalaman ko na hindi naman pala ako mamatay kapag hindi nakakain nang isang araw. Natutunan ko na kaya ko palang magsunog ng kilay. Nalaman ko na hindi pala ako kasing bobo ng inaakala ko. Nalaman ko na kaya ko rin palang mag-aral ng totoong pag-aaral, yung aral na hindi umaasa sa kodigo o kopya sa kaklase. Higit sa lahat natutunan ko na sa pagpili ng kaibigan, hindi pera ang basehan.
Kapag nababanggit ang salitang "iskwater", marami ang nag-iisip ng negatibo na para bang ito na ang pinakamasagwang tahanan sa buong mundo. Magulo, mabaho, pangit, dikit-dikit ang bahay, at may mga kanal na mababaho. Totoo ang lahat ng iyon pero dito ko natutunan ang salitang "po at opo". Wirdo, pero yun ang totoo.
Nahawi ng iskwater na ito ang luhong tumakip sa mga mata ko. Dito ko naisip na ang buhay ay hindi puro sarap at pagpapakasarap. Dito ako natutong magpakumbaba at mangarap ng mga bagay na akala ko noon ay hindi na kailangan.
Umayos ako nang upo at humarap na sa silangan kung saan nagsisimula nang umahon si haring araw mula sa pagkakatulog. Huminga ako nang malalim at muli kong naalala sina Lenlen, at ang mga batang palaboy, at ang mga batang basurero, at ang mga batang kalye na wala nang gana pang mag-aral, at ang mga taong grasa, at ang mga pulubi sa overpass at kalye, at ang itsura ng iskwater.
Balang araw babalik ako dito. Babalikan ko sila. Babalik ako...